Wednesday, February 5, 2014

San Pedro Bautista sa Laguna

A monument of



San Pedro Bautista sa Laguna
sinuat ni Rev. Fr. Gabriel Ma. Delfino, M.A.Hist.


Ang mga tinatawag na “Renaissance Men” (mga tao ng 1400’s hanggang 1600’s na bihasa sa Kultura, Agham at Sining dahil sa impluwensiya ng mga unibersidad sa Europa) ay hindi lamang matatagpuan sa Paris, Madrid, London, at Roma. Sila din ay hindi lamang natagpuan sa mga lungsod at korte ng mga hari kundi sa mga hangganan ng mga “colony” mula India, Peru at maging sa Imperyo ng Tsina (Matteo Ricci, SJ).
Ang kultura ng mga “Renaissance Men” ay lumiligid sa mga kabundukan at malalayong mga pulo upang ipadama ang bagong pagtingin sa mundo at ang paglaganap ng kaalaman sa isip ng mga tao. Ang pagsulong ng Agham at Sining sa iba’t ibang kultura at lugar ng mundo ay dala ng mga “Renaisance Men” na may kaloobang Kristiyano.
Isa sa mg maituturing na “Renaissance Man” ay ang Misyonerong Pransiskano sa Katagalugan, si San Pedro Bautista.
 Hindi lamang siya naging misyonero na naghahatid ng Pangalan ni Hesus at ng Mabuting Balita sa mga naninirahan sa Luzon. Alagad din siya ng Sining at Agham. Dahil dumating siya sa Pilipinas mula sa Espanya noong 42 taon gulang na siya, naranasan na niyang maging Propesor ng Pilosopiya sa Merida, Predikador sa Katedral ng Toledo at isang magaling sa larangan ng Musika, ang lahat ng kakayahang napagdaanan ay nagamit sa paglilingkod sa tao.
Bukod pa sa pagtatatag ng mga Pamayanan ng Longos at Pakil sa Laguna sa pamamagitan ng pag-uutos ng pag-iipon ng mga tao “bajo las campanas” (sa ilalim ng mga kampana), nagawa pa rin ni San Pedro Bautista na magturo ng musikang pang-simbahan sa mga bata, mga koro at musikero sa Santa Ana, Manila at sa Lumban, Laguna. Nagkaroon ng pagsasanay sa pag-awit at paggamit ng mga instrumento ng musika sa humigit na 400 katao sa Lumbang upang iparating ang mga bagong mga kumposisyon na naging produkto ng musika ng “Renaissance” sa Europa.
Sa tulong pa ng isang kapwa-misyonerong Pransiskano [na si Fray Francisco de Gata] na may alam sa agham ng Medisina at Kimiko, natuklasan niya ang mapang-hilom na katangian ng mainit na tubig sa Los Baños, Laguna. Dahil dito napatatag ang Hospital ng Aguas Santa sa naturang bayan bilang paggamit ng mainit na tubig sa paglunas sa mga karamdaman. Ang pagtuklas ng likas na yaman sa pamamagitan ng Agham ay isa sa mga kinikilalang katangian ng “Renaissance” sa paglaganap ng kaalaman tungkol sa ating daigdig.
Noong siya ay manungkulan bilang Pinuno ng mga Pansiskano sa Pilipinas, hindi lamang siya nag-tayo ng mga gusaling bato para sa mga simbahan, kumbento at lugar ng “retiro”. Sinikap din niyang dalawin ang bawat misyonerong Pransiskano sa bawat lugar – mula Bulacan hahnngang Sorsogon – bilang pagpapakita ng kanyang malasakit at pagdamay. Ang kanyang pagiging “Renaissance Man” ay nakita hindi lamang sa mga pang-labas na gawain kundi sa isang puso at gawi na magkasabay na maka- Diyos at maka-tao.
Bagamat 9 na taon lang ang inilagi niya sa Pilipinas, naging malalim ang iniwan niyang alaala bago pa siya naging martir sa bansang Hapon at Santo ng simbahang Katoliko. Ipinagdiriwangang ang alaala ni San Pedro Bautista sa Liturhiya ng Simbahan tuwing Ika-6 ng Pebrero kasama si San Pedro Miki at iba pang mga Martir ng Hapon.

No comments:

Post a Comment